Davao City – Sa diwa ng pagdiriwang ng ating kultura at kasaysayan, matagumpay na isinagawa ng Ateneo de Davao University Grade School ang Indayog Festival 2024 noong Nobyembre 22, 2024, mula 8:00 AM hanggang 12:00 NN. Ang temang “Indak ng Kasaysayan, Diwa ng Kapayapaan” ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sining at tradisyunal na sayaw.
Sinimulan ang programa sa isang taimtim na Pambungad na Panalangin na sinundan ng makulay na Parade of Colors, pinangunahan ng Ateneo BSP Model Platoon. Si Camille Angelaine Chui ng 6 Xavier, mula sa Ateneo GSP Model Platoon, ang nagkumpas sa Pambansang Awit.
Nagbigay ng mainit na pagbati si Dr. Annierose V. Villarba, Punong-guro ng Ateneo Grade School, sa kanyang Pambungad na Pananalita, na nagbigay-pugay sa pagsusumikap ng bawat isa upang maisakatuparan ang pagdiriwang. Sinundan ito ng isang AVP teaser, na inihanda ng Promotions and Alumni Affairs Office (PAAO), na nagbalik-tanaw sa tagumpay ng nakaraang Indayog Festival 2023-2024.
Unang Yugto ng Pagtatanghal
Ang unang yugto ng mga pagtatanghal ay nagsimula sa mga tradisyunal na sayaw na inihandog ng mga mag-aaral:
Paruparong Bukid mula sa Unang Baitang
Maral Dad Libon mula sa Ikaapat na Baitang
Pantomina de Albay mula sa Ikalawang Baitang
Intermisyon: Pagpapasinaya sa Linggo ng Kapayapaan
Sa intermisyon, ipinakilala ang Mindanao Week of Peace sa pangunguna ng mga piling guro mula sa Kagawaran ng Araling Panlipunan. Layunin nitong paalalahanan ang mga mag-aaral na ang kapayapaan ay isang panata na dapat isabuhay sa araw-araw.
Ikalawang Yugto ng Pagtatanghal
Nagpatuloy ang kasiyahan sa ikalawang bahagi ng programa sa pamamagitan ng mga sumunod na pagtatanghal:
Daling-Daling mula sa Ikalimang Baitang
Salakban mula sa Ikatlong Baitang
Sayaw Tanglawan mula sa Ikaanim na Baitang
Nagkaroon din ng Parada ng mga Kasuotan, tampok ang mga miyembro ng Ateneo Talent Pool, na nagpakita ng makukulay na kasuotang Pilipino mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Pangwakas na Pananalita at Sayaw ng Pagkakaisa
Bilang pagtatapos, nagbigay si G. Ruben S. Mondejar, Jr., Tagapag-ugnay ng Health and Physical Education, ng Pangwakas na Pananalita at pinasalamatan ang lahat ng naging bahagi ng makulay na selebrasyon. Sinundan ito ng isang makabagbag-damdaming Sayaw ng Pagkakaisa na nilahukan ng mga piling mag-aaral, guro, tagapamahala, at magulang, at ng pag-awit ng Blue Knight Song sa pangunguna ni Corinne Alliah Lagutin ng 6 Ignatius.
Ang Indayog Festival 2024 ay patunay ng pagmamahal ng pamayanan ng Ateneo sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas, isang inspirasyon upang ipagpatuloy ang diwa ng kapayapaan at pagkakaisa!